Monday, July 7, 2008

Ang Alamat ng Salamin

Sa isang maliit na baryo sa Timog Katagalugan ay namuhay at lumaki ang isang mutyang tunay na hinangaan at tiningala ng mga tao. Ang pangalan niya ay Sala. Sadyang katangi-tangi ang kanyang kagandahan, sapagkat tanging sa mga dayuhang kababaihan lamang maikukumpara ang angkin niyang ganda. Dahil doon, lubos siyang kinaiingitan ng mga kababaihan lalo pa't nakikita nila ang matiim na pagtingin ng mga kalalakihan sa kanilang baryo sa kanya. Para sa mga kalalakihan, si Sala ay isang napakatayog na pangarap na kailanma'y hindi nila maaabot. Samatalang para naman sa mga matatandang madadasalin sa kanilang lugar, ang kanyang kagandahan ay isang biyaya ng Diyos sa iilang taong may kakayanang magbigay ng malaking indulhensya sa mga prayle.

Kilalang mayaman at makapangyarihang tao ang ama ni Sala. Tinitingala ito dahil sa kanyang karangyaan dulot ng negosyo niyang perlas na ipinagbibili niya sa malaking halaga sa mga mayayayamang pamilya at maging sa mga dayuhan. Madalas ay naglalayag pa siya upang personal na ibigay sa mga dayuhang mamimili ang kaniyang ipinagbibiling mga perlas. Kinilala ang ama ni Sala sa pangalang Don Perlo Claveria dahil sa kanyang negosyo.

Matagal-tagal ding nawala si Don Perlo Claveria dahil sa pagtungo sa bansang Tsina. Nang makabalik sa sariling bayan, bagama't pagod mula sa byahe, ay napagpasyahan niyang dagling umuwi na sa kanilang mansyon.

Sa harap ng kanilang mansyon, sakay ng kanyang karwahe ay nabigla si Don Perlo sa haba ng pila ng mga mayayaman at matitipunong kalalakihang nagbabakasakaling makausap si Sala. Bawat isa sa kanila ay may kasamang mga utusan na siyang tagapagbitbit nila ng kanilang mga mamahaling mga regalo. Tunay na nagalak si Don Perlo sa kanyang nasilayan sapagkat alam niyang mas lalo pa siyang titingalain ng mga tao kapag nakapangasawa si Sala ng isang sikat at mayamang lalaki.

Habang tinatahak ang papasok sa kanilang malawak na mansyon ay may napansin si Don Perlo mula sa pila ng mga kalalakihan na tunay niyang ikanagulat at ikinainis. Mula sa kanyang karwahe ay namataan niyang isang pobreng lalaking may tangang piling na saging ang nakapila rin kasama ng iba pang mga mayayamang kalalakihan. Dahil duo'y dagli siyang bumaba sa kaniyang karwahe at sinugod ang lalaki. Walang anu-ano'y agad niya itong sinampal, inalipusta at saka pinalayas. Matapos ay umalis na si Don Perlo at tumungo na sa loob ng kanyang tahanan. Malaking kahihiyan ang naidulot ni Don Perlo sa pobreng lalaki na ang pangalan ay Aming.

Malumbay na lumisan si Aming sa tahanan ni Don Perlo.Bitbit ang dapat sanang regalo para kay Sala na isang piling na saging ay tinahak niya ang daan mula sa mansyon nina Don Perlo patungo sa bundok kung saan nakatirik ang luma't napakaliit niyang barung-barong. Nang makarating na siya sa kanyang dampa ay umupo muna siya sa may paanan ng hagdanan nito. Tulalang nakataw ang kanyang mga mata sa kawalan dahil sa pag-iisip niya sa nangyaring pagkapahiya kay Don Perlo. Alam niya ang dahilan nito sa pagpapahiya sa kanya - dahil siya'y dukha. Nawala lamang ang kanyang pagkatulala dahil sa isang maliit na tinig na bigla niyang narinig.

Sa kanyang harap ay nakatayo ang isang napakaganda't puting-puting manok. Ito'y nagmamakaawang pakainin siya sapagkat siya'y gutom na gutom na. Nagulat man ay binigyan pa rin niya ng pagkain ang manok mula sa piling ng saging na hawak niya. Matapos maibsan ang gutom ng manok ay sinabi nito kay Aming na bibigyan niya ng pagkakataong magkaroon ng katuparan ang kanyang mga kahilingan. Hindi agad naniwala si Aming, ngunit pagkaraan ng ilang saglit ay nagsabi na rin ito ng isang imposibleng kahilingan. Hiniling niya sa manok na makausap man lang sana si Sala kahit kahit saglit. Ipinangako naman ng manok ang katuparan ng kanyang kahilingan sa lalong madaling panahon.

Maagang gumising si Aming nang dumating ang Linggo. Tumungo siya sa may ilog at naligo. Matapos ay umuwi muli siya't nagbihis ng pinakamagara niyang damit at panyapak at matapos ay nagpahid pa siya ng pomada sa buhok. Sa di malamang dahilan ay pinaghandaan niyang tunay ang pagsimba dahil hindi naman talaga siya ganoon. Nang makapag-ayos na'y kinuha niya ang manok at saka tumungo sa simbahan.

Sa simbaha'y tumayo siya sa may patio at duon pinasyang makinig ng misa. Sa gitna ng sermon ay biglang tumalon sa sahig ang manok mula sa mga braso ni Aming. Hinabol ni Aming ang manok nang mapansin niyang ito'y tumungo sa may paanan ng isang babae - si Sala. Hindi niya malaman kung ano ang dapat niyang gawin, nang bigla niyang mapansin na binuhat ni Sala ang manok at saka ito hinimas-himas. Tila natutuwa si Sala sa magandang balahibo ng manok. Lumapit naman si Aming upang kuhanin ang manok. Dahil sa tuwa ni Sala sa manok, ay nagtanong ito ng mga bagay-bagay tungkol dito. Saglit pa silang lumabas ng simbahan upang mag-usap pa tungkol sa iba pang mga bagay hanggang kailangan nang umalis ni Sala. Nakiusap ito kay Aming na dalawin siya sa kanila dala ang manok upang lalo pa silang makapag-usap. Matapos umalis ni Sala ay nagpasalamat si Aming sa manok.

Kinabukasan ay agad na tinupad ni Aming ang kahilingan ng dalaga. Dahil sa dala niyang manok ay agad niyang nakausap si Sala. Natutuwa si Sala sa pakikipag-usap kay Aming dahil para sa kanya ay walang kasinungalingang lumalabas sa bibig ni Aming. Matagal-tagal na ring nagkausap ang dalawa nang biglang dumating ang ama ni Sala. Namukhaan ni Don Perlo ang pobreng lalaki at nagpuyos muli ito sa galit. Kanya itong sinugod, sinuntok at pinalayas. Inutusan pa niya ang kanyang mga tauhan upang pahirapan at saka kaladkaring palabas ng mansyon si Aming. Nagalit din si Sala dahil sa maling pagtrato ng kanyang ama kay Aming. Agad niyang sinundan si Aming. Bagama't tila nahihirapan na si Aming sa kanyang kalagayan ay kanya pa ring hiniling kay Sala ang pagkakataong makita ito tuwing gabi sa may ilog sa ibaba ng bundok. Lumuluhang tumugon si Sala sa kahilingang iyon ni Aming.

Gayon nga ang kanilang ginawa gabi-gabi. Kasama ni Sala ang kanyang matapat na alalay ay tumutungo ito sa may ilog kung saan nama'y naghihintay si Aming. Matagal din nila iyon ginawa hanggang nagkatapatan na sila ng pag-ibig para sa isa't-isa. Ngunit, dahil sa madalas na pagkawala ni Sala sa kanilang mansyon tuwing gabi ay nagtaka na ang kanyang ama. Kaya, isang gabi'y inutusan ni Don Perlo ang isa sa kanyang mga tauhan na matyagan si Sala sa kanyang mga gagawin. Dahil duon ay napag-alaman ni Don Perlo na lihim na nagkikita sina Sala at Aming. Nang sumunod na gabi'y agad na kumilos si Don Perlo. Ipinakandado niya ang pintuan ng silid ni Sala upang hindi ito makaalis. Samantala'y nag-aabang pa rin si Aming sa pagdating ni Sala sa kanilang tagpuan. Ngunit nang lumalim na ang gabi'y nag-alala na ito kay Sala, kaya nang may narinig itong kaluskos ay agad niyang tinungo ang direksyon ng tunog. Sa laking gulat ay hindi si Sala ang bumungad sa harap niya bagkus isang malaking lalaking may dalang itak na akmang itataga sa kanya. Tinangkang lumaban ni Aming ngunit wala siyang nagawa at siya'y paulit-ulit na sinaksak ng lalaki na siyang nagdulot ng kanyang kamatayan.

Kinabukasan bumungad sa harap ni Sala ang isang napakakinang na bagay na kinakitaan niya ng kaparehas na imaheng nakikita niya kapag siya'y humaharap sa tubig. Napansin din niya ang mapupulang mga mata ng imaheng iyon. Ngunit ng lalo niya iyong tinitigan ay natawa na lamang siya. Matagal ding ikinulong si Sala ng kanyang ama sa kanyang silid. Ang tangi niyang libangan ay ang pagsilay sa bagay na iyon na lubos na nagpapaligaya sa kanya at tila nakatatawang isipin ngunit naaalala niya si Aming sa pagtingin niya sa salamin. Dumaan mahabang panahon at wala pa rin siyang naririnig tungkol kay Aming hanggang sa namatay na ang kanyang ama at siya'y tumanda na rin. Hindi na siya muling nagmahal mula nang nagkahiwalay sila ni Aming.

Isang gabi habang pinagmamasdan niya ang makinang na bagay ay biglang nagpakita ang manok sa kanya. Ipinagtapat nito kay Sala ang kinahinatnan ni Aming nuong gabing hindi sila nagkita nito. Bago namatay si Aming ay humiling ito sa manok ng pagkakataong makasama si Sala araw-araw upang lagi niya itong masilayan at maipadama rito ang natatangi nitong kagandahang higit pa sa panlabas nang sa gayon ay lalo pa itong sumaya. Sinabi ng manok na ginawa niyang makinang na bagay si Aming na tulad ng tubig. Iyon nga ang bagay na nakita ni Sala sa kanyang silid matagal na panahon na ang lumipas. Matapos ng pagtatapat na iyon ay muling naglaho ang manok. Tinitigan ni Sala ang bagay na iyon at siya'y napaluha. Tinawag niya ang matapat niyang alalay at sinabi ni Sala rito na mula sa araw na iyon ay tatawagin nila ang makinang na bagay na iyon na "aming". Nagdaan pa ang mga araw at bumigay na rin ang katawan ni Sala dahil sa katandaan. Nang mailibing siya'y kinuha ng alalay ang "aming" at sinabing iyon ang simbolo ng pambihirang pag-iibigan nina Sala at Aming. Nagpasa-pasa ang kwento nina Sala at Aming at kalauna'y tinawag ang "aming" na "salamin".

- Abeshin R. Acar

2 comments:

fritzco_3092 said...

maganda ang pagkakalahad ng kuwento.....
ngunit mas mainam na gumamit ng mga salitamg pinagtutuunan ng malalim na kahulugan upang malagyan ng kariktan ang kuwento...........
ang awtor ay di nais na siya ay hindi maintindihan ng kanyang mga mambabasa kaya gumagamit lamang siya ng mga piling salita na karaniwang ginagamit sa araw - araw.......

dom lomboy said...

the story is very beautiful. it symbolize how love conquered everything. that's all and thank you for the author because of its beautiful story..