Sunday, July 6, 2008

Ang Alamat ng Piso

Noong unang panahon sa isang baryo na kilala sa tawag na Baryo Mabigas ay may isang pamilya na kilalang kilala dahil sa sila ang pinakamayaman sa buong baryo. Ang pamilya Pison, na nagmamay-ari ng mga sakahan sa baryo. Si Don Raulo ang nagpapatakbo sa kanilang sakahan. Isa siyang sugapa sa kayamanan at mapanlamang sa kapwa. Ang kanyang asawa na si Donya Lukrita ay mapangmata sa kapwa at hindi maganda ang ugali sa mga mahihirap. Mayroon silang isang anak na nagngangalang Jose. Kung ano ang ikinasama ng ugali ng mga magulang niya ay siya namang ikinaganda ng kalooban nya.
Isang araw, habang namamasyal si Jose sa hardin nila ay may namataan siyang isang dilag na ubod ang ganda. May malaporselanang kutis, labi na kulay rosas, maitim at mahabang buhok at mala-anghel na itsura. Unti-unti siyang lumapit dito. Ngunit pagkakita ng babae sa kanya ay tumakbo ito bigla dala ang mga bulaklak na napitas nito.
Halos hindi mapatid sa paghinga ang magandang binibini sa pagtigil nito sa isang malaking puno. Ang pangalan niya ay Maria, anak ng isang magsasaka. Kamamatay pa lamang ng kanyang ina at kapatid dahil sa isang aksidente. Dadalhin niya ang mga nakuhang bulaklak sa puntod ng mga ito. Siya at ang kanyang tatay na lamang ang magkasama sa buhay.
Ilang linggo na ang nakakalipas at binabantayan pa din n i Jose si Maria sa hardin nila. Hanggang isang araw ay nagkita ulit sila. Nagkakilala ang dalawa at naging magaan ang loob sa isa't isa. Araw-araw na silang nagkikita sa hardin. Ngunit nalaman ito ng magulang ni Jose at agad na kinausap siya. Pinagbawalan siyang makipagkita kay Maria dahil sa alam nilang anak lamang ito ng isa sa kanilang mga magsasaka. Hindi pumayag si Jose sa gustong mangyari ng kanyang mga magulang. Pinanindigan niya na hindi niya iiwan si Maria dahil napamahal na ito sa kanya.
Nalaman ng itay ni Maria ang pagmamabutihan nito sa anak ng pamilya Pison. Hindi naman niya pinagbawalan si Maria ngunit binigyan lamang siya ng babala sa mga mangyayari. Wala ng nagawa ang mga magulang nina Jose t Maria sa pagmamab utihan ng dalawa hanggang sa mapagdesisyunan nila na magpakasal na. Madami ang nainggit kay Maria. Araw ng kasal. handa na ang hardin na pag-gaganapan ng kasal. Abala ang lahat sa paghahanda. Nagbihis na ang lahat at pagkatapos ay nagtipon-tipon na sa may hardin. Habang ginaganap ang kasal ay amy dumating na isang matanda na nakasuot ng itim. Pinatigil niya ang seremonya at pinaalala kay Donya Lukrita ang sumpa.
Biglang naalala ni Donya Lukrita na noon ay may isang pamilya na kanyang pinalayas dahil sa utang ng mga ito. Malakas ang ulan noon at sapilitang pinalayas ng Donya ang kawawang pamilya. Ngunit bago umalis ang mga ito ay binigyan siya ng sumpa. Isang sumpa na mangyayari sa kanyang anak.
Sumpa na mangyayari lamang kapag nagpakasal ang anak ni Donya Lukrita sa isang ordinaryong babae lamang. pagtingin ni Donya Lukrita kay Jose ay naglaho ito. isang pilak na hugis bilog ang naiwan sa damit ni Jose. nang tingnan ni Maria ang bagay na ito ay nakita niya ang mukha ng kanyang mahal ni si Jose.
Naging malaking usap-usapan sa buong baryo at karatig bayan ang nangyari sa pamilya Pison. Mula noon ay naging mabait sa kapwa ang mag-asawang Pison. Hindi na nila ipinagkait sa ibang tao ang kanilang kayamanan. Itinuring na din nilang anak si Maria at naging isa na ding siyang Pison. Tinawag nilang Pison ang pilak na may mukha ng kanilang anak. At sa paglaon-laon ang pison ay naging Piso dahil sa mga pagsalin salin ng kwento ng pamilya Pison.
Maikling Kwento ni:
Mary Anjela Fe R. Andaya

No comments: